Noong ika-19 na siglo, panahon ng Rebolusyong pang-industriya, namayani ang di makataong kondisyon sa mga pagawaan. Nariyan ang mababang pasahod at 12 oras na pagtatrabaho. Ang mga ito ang nagtulak sa mga manggagawang maglunsad ng mga kilos-protesta sa lansangan.
Ang kauna-unahang kilos-protestang inilunsad ng mga kababaihang manggagawa ay naganap sa lansangan ng New York. Karamihan ay nagmula sa pagawaan ng tela o garment workers. Daan-daang kababaihan ang lumahok dito at sa pag-atake ng mga pulis, marami sa kanila ang nasaktan at inaresto. Naganap ito noong Marso 8, 1857.
Noong Marso 8, 1908, umabot sa 15,000 kababaihan ang muling nagmartsa sa lansangan ng New York. Hiniling nila ang maikling oras na pagtatrabaho, sapat na sahod, karapatang bumoto at pagtigil sa paggamit sa mga batang manggagawa. Dito ginamit ang islogan na "Bread and Roses" (Tinapay at Rosas), kung saan ang tinapay ang simbolo ng pang-ekonomyang seguridad at ang rosas naman ay sumisimbolo sa mas mabuting kalidad ng pamumuhay.
Mayo 1908, kinilala ng Socialist Party of America ang huling linggo ng Pebrero bilang National Womens' day upang hindi maging kabawasan sa araw ng pagtatrabaho. Kaya Pebrero 28, 1909, ipinagdiwang ang Pambansang Araw ng Kababaihan sa US. Tumagal ito hanggang hanggang 1913.
Noong 1910, sa Copenhagen, Denmark nagkaroon ng pandaigdigang kumperensya ang mga sosyalistang organisasyon o ang tinatawag na Pandaigdigang Kilusan ng Manggagawa. Iminungkahi dito ni Clara Zetkin, isang sosyalistang Aleman at lider-manggagawa, na kilalanin ang araw ng kababaihan bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Manggagawa.
Taong 1911, sinimulang ipagdiwang ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa iba't ibang bansa gaya ng Austria, Denmark, Germany at Switzerland. Marso 19 ng taong ito, naglunsad uli ng kilos-protesta ang mga kababaihan. Kanilang hiniling ang karapatang bumoto at lumahok sa parliyamento, ang karapatang magtrabaho at paglaban sa diskriminasyon sa mga pagawaan.
Marso 25, nasunog ang Triangle Shirtwaist Co., sa New York. Namatay dito ang 140 kababaihang manggagawa na karamihan ay mga batang Italyana at mga migranteng Hudyo. Nang sumiklab ang sunog, marami ang hindi nakalabas dahil sa pagkakandado sa kanila sa oras ng trabaho. Ang ilan ay tumalon sa bintana na kanilang ikinasawi. Tinawag nila itong Triangle Fire. Nilahukan ng mahigit 100,000 mamamayan ang funeral march ng mga nasawi sa sunog.
Bilang bahagi ng pakikibaka para sa kapayapaan noong World War I, sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagdiwang ng mga kababaihan sa Russia ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan noong huling linggo ng Pebrero 1913. Sumunod na taon, Marso 8, naglunsad ng mga kilos-protesta ang kababaihan sa iba't ibang bahagi ng Europa bilang pagbibigay suporta sa mga kababaihan ng Russia at pagtuligsa sa giyera.
Di man pinahintulutan ng pamahalaang Ruso, noong huling linggo ng Pebrero 1917, naglunsad pa rin ng kilos-protesta ang mga kababaihan na tinawag nilang "Bread and Peace". Nagprotesta sila laban sa pagtaas ng presyo ng bilihin, tanggalan sa pagawaan at sa giyera.
Pagkaraan ng apat na araw, Pebrero 23, sa kalendaryong Julian, pinahintulutan na ang kababaihan na bumoto. Marso 8 naman ito sa kalendaryong Gregorian na kasalukuyan nating ginagamit.
Taong 1922, sa tulong ni Clara Zetkin, kinilala ni Lenin ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bilang Communist Holiday. Ganun din ang China at ang ibat-ibang bansa sa Europa. Pagkaraan ng World War II, tanging ang mga sosyalistang bansa at organisasyon ang nagpatuloy sa padiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Tumagal ito hanggang 1960's sa tinatawag na panahon ng "Cold War".
Disyembre 1977, tinangkilik ng United Nations General Assembly ang Marso 8 bilang United Nations Day for Women's Rights and International Peace. Kaya lang usapin lamang ng gender ang binigyang halaga sa pagdiriwang ng naturang araw. Isinantabi ang makauri at makasaysayang kahulugan nito bilang araw ng kababaihang manggagawa.
Marso 8, 1971, sa pamamagitan ng isang kilos-protesta laban sa kahirapan, unang ginunita ang araw ng kababaihan dito sa Pilipinas. Pinangunahan ito ng Katipunan ng Bagong Kababaihan (KATIPUNAN). Nasa pamumuno ito ng MAKIBAKA na binubuo ng mga nanay mula sa maralitang lunsod at kabataang estudyante kasama ang Kabataang Makabayan - Women's Bureau at SDK o Samahan ng Demokratikong Kabataan. Naglabas sila noon ng pahayag na lumabas sa Marso 8, 1971 issue ng Manila Times . Pinamagatan itong RP Women Join Liberation Front. Karamihan sa mga kasapi nito ay nag-underground matapos ideklara ang Batas Militar noong 1972.
Marso 1983 muling ipinagdiwang ang militanteng paggunita sa araw ng kababaihan ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK). Noong 1984, nakilahok dito ang GABRIELA. Sa kalukuyan ay pinangungunahan na ng Gabriela, isang alyansa ng mga organisasyon ng kababaihan mula sa hanay ng manggagawa, magsasaka, maralitang lunsod at kabataang estudyante, ang paggunita sa araw ng kababaihan.