Search site


FAQ

FAQ is empty.

Ang Kwento ng Mayo Uno

30/05/2011 15:24

Sa bansa, ang Mayo 1 ay ipinagdiriwang bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Para sa uring manggagawa, ang Mayo 1 ay hindi lamang simpleng pagdiriwang sa Araw ng Paggawa, ito rin ay isang pagkakataon ng pagpapahayag ng muling paninindigan laban sa mapagsamantala at mapang-aping sistemang pambansa na pinaghaharian ng malalaking dayuhang kapitalista, komprador burgesya at panginoong maylupa. Isa rin itong dakilang pagkakataong gunitain ang makasaysayang okasyong naganap sa Hay Market Square sa Chicago, Estados Unidos noong 1886. 

Higit nating mauunawaan ang kahalagahan ng pagdakila sa Araw ng Paggawa kung babalikan natin ang naganap sa araw na ito. 

Noong Mayo 1, 1886, nagwelga ang mahigit na 190,000 manggagawa sa Chicago at karatig-pook nito. Nauna rito, may humigit-kumulang na 1,400 manggagawa ng McCormick Dealer Works, pag-aari ng negosyanteng si Cyrus McCormick, ang nag-welga dahil sa hindi pagpapatupad ng umiiral na batas na walong oras na trabaho, pagwasak ng unyon at pagtatanggal sa trabaho sa mga lider ng unyon. 

Bilang tugon sa kahilingan ng mga unyonista, isinara ni McCormick ang planta, umupa ng mga "goons" at eskirol, at winasak ang piketlayn. Umupa din siya ng 300 "pinkertons" (security guard) upang madagdagan ang pulis ng Chicago na nagbabantay sa pagawaan. Dahil sa pagdating ng mga armadong guwardiya at nakaporma na parang mananagupa, nagkaroon ng malaking tensyon. 

Ayon kay Herbert Harris ay ganito ang sumunod na mga pangyayari: 

"Noong Lunes ng hapon, May 3, 1886, tatlong buwan matapos maisara ang kumpanya ni McCormick, isang rali ang isinagawa ng mga nagwewelga sa lagarian ng kahoy sa Black Road, 500 yarda ang layo sa planta ni McCormick. Napukaw sila sa talumpati ng lider-manggagawang si August Spies. 200 welgista, ang lubhang natangay ng talumpati, galit na humiwalay sa rali at nagtungo sa planta ni McCormick. Kinantiyawan at sinigawan nila ang mga "goons" at eskirol na papauwi na matapos ang trabaho. Nagkasakitan. Gumanti naman ang mga "goons" at eskirol. 

Bago dumating ang mga pulis, umabot sa 200 ang biktima sa naganap na karahasan. Ang malakas na sirena ay nakatawag-pansin sa mga manggagawa na noon ay nakikinig pa sa talumpati ni Spies, at dahil dito, sabay-sabay silang sumugod upang malaman ang nangyayari. 

Nakita ng mga pulis ang kanilang dumaragsang pagdating at walang pakundangang pinaputukan ang mga manggagawa. Tumakbo ang mga manggagawa sa iba't ibang direksyon. Hinabol sila ng putok ng mga pulis. Namatay ang apat at nasugatan ang mahigit sa dalawampung manggagawa. Dahil sa karahasang naganap, nag-alab ang damdamin ni Spies. Mabilis siyang nagtungo sa imprenta ni Oscar Neebe, kasosyo sa imprentang Arbeiter Zeitung, at sumulat ng propagandang may pamagat na "Manggagawa! Mag-armas!" 

Ipinahayag niya ang ganito: "Kung kayo ay tunay na anak ng manggagawa na nagbuhos ng dugo upang kayo ay makalaya, dapat kayong bumangon nang buong tapang at wasakin ang mga halimaw na nais lumamon sa inyo." Sinundan ito ng isa pang polyeto.Sa pagkakataong ito ay nanawagan si Spies ng isang miting-protesta upang ilantad ang pinakahuling kabuhungan ng mga pulis. Ang lugar ng pagpupulong ay sa Hay Market Square sa Chicago noong Mayo 4, 1886. 

Sa Paris, France noong 1889, sa isang kumperensya ng mga lider manggagawa mula sa iba't ibang bayan, kinilala ang kabayanihan ng mga manggagawa. Itinakda ang Mayo 1 bilang Araw ng Pandaigdigang Pakikibaka ng mga Manggagawa. 
Nagsimula ang miting ng alas-8 ng gabi na pinahintulutan ni Mayor Carter H. Harrison ng Chicago. Dinaluhan ito ng mahigit 3,000 manggagawang babae at lalaki. Nagsalita si Spies at kinondena niya ang karahasan ng estado at ang bulag na pagsunod nito sa kagustuhan ng mga kapitalista. Binatikos din niya ang sabwatan ng pamahalaan at namumuhunan. 

Sinubaybayan ng isa pang lider-manggagawa na si Albert Parson si Spies habang ito'y nagtatalumpati. 

Subalit ilang saglit lamang matapos lumisan si Mayor Harrison, idinispatsa ni John Bonfield, pansamantalang pinuno ng pulisya (at kinamumuhian ng mga manggagawa sa pagiging maton), ang 200 pulis na tumungo sa pinagdarausan ng miting. Mayroon na lamang 500 katao noon na matamang nakikinig kay Samuel Fieldman, ang huling tagapagsalita. 

Ilang saglit ay sumigaw si John Bonfield ng "Disperse!" (o "Maghiwa-hiwalay na!). Biglang nagkaroon ng malakas na pagsabog, na ikinagulantang ng lahat. Nagpaputok ang mga pulis nang walang patumangga. 

Pagkaraan ng umaatikabong putukan ay nakitang nakahandusay kung saan-saang bahagi ng lansangan ang duguang mga manggagawa. Dalawandaang manggagawa ang namatay noon din sa masaker. Hindi mabilang ang sugatan, at ilan pa ang namatay sa pagamutan makalipas ang ilang araw. 

Sa panig ng mga pulis, 67 ang nasugatan, pito ang grabe at ilan ang namatay makalipas ang ilang araw. 

Ang kaguluhan ay ibinintang sa mga lider-manggagawa. Nag-imbento ng kaso ang mga pulis at nagtanim ng mga ebidensya. 

Naging mabigat ang depensa para sa mga pinagbintangan, gayong maliwanag na hindi totoo ang mga ebidensya. Sa tuwing sila'y tatanungin ay hindi nila mapigilan ang pag-atake at pagkondena sa estado. 

Pito ang nahatulan ng kamatayan. Ito ay sina Spies, Fielden, Lingg, Schwab, Engel, Fischer at Parsons. 

Ang kalunos-lunos na pangyayaring ito ay umalingawngaw sa lahat ng mga manggagawa. Naging usap-usapan sa iba't ibang panig ng daigdig, at naging batayan ng kilusang paggawa upang paigtingin ang kanilang hanay at pagkilos. 

May ilang sumisi kay Spies at pinaratangan siyang anarkista. Subalit ang kanyang sinimulan ay dinakila ng mga lider-obrerong naniniwala sa tunay na unyonismo. 

Sa Paris, France noong 1889, sa isang kumperensya ng mga lider manggagawa mula sa iba't ibang bayan, kinilala ang kabayanihan ng mga manggagawa. Itinakda ang Mayo 1 bilang Araw ng Pandaigdigang Pakikibaka ng mga Manggagawa. 

Sa Pilipinas naman noong 1902, hinimok na ni Dr. Dominador Gomez ang mga manggagawang Pilipino na gawing Pambansang Araw ng Paggawa ang makasaysayang Mayo 1.